Martes, Setyembre 20, 2011

Modyul sa Panitikan

I. Pamagat
Si Juan Osong
( Kwentong Bayan sa Rehiyon 5)

II. Panimulang Modyul
          Ang modyul na ito ay nagsisilbing gabay sa iyong pagkatuto. Naglalaman ito ng mga gawain at mga katanungan na hahasa sa iyong kaisipan at nang maibahagi mo rin ang iyong mga karanasan kaugnay sa akdang nakalakip dito sa iyong modyul. Magagamit  mo rin ang iyong natutunan sa apat na bisa ng panitikan. Ito ay tutulong sa iyo upang mas lumawak ang iyong kaisipan at kaalaman sa panitikan. Makakakuha ka rin ng aral mula sa kwentong iyong babasahin na nasa modyul na ito. Kailangan mo itong pag-aralan at pahalgahan upang mas maging pamilyar ka sa panitikan at ang aral na mapupulot mo sa kwento ay magsilbing gabay sa iyo sa hinaharap.

III. Mga Instruksyon na Gagamitin
          1. Basahing mabuti ang kwentong bayan ng rehiyon 5 na si Juan Osong.
          2. Sagutin ang mga sumusunod na katanungan.
          3. Basahing maigi ang panuto sa mga gawain.

IV. Mga Layunin
          Pagkatapos mong mapag-aralan ang modyul na ito inaasahang:
          a.Nabibigyan kahulugan ang matatalinghagang salita;
          b. Nailalahad ang apat na bisang pampanitikan at
          c. Naibabahagi ang sariling karanasan halaw sa akda.
V. Paunang Pagsubok
A. Panuto: Buuin ang mga jumbled letters at isulat sa papel. Ito ay mga lalawigan ng rehiyon 5.
                    1. YALBA                                              4.OOOGRNSS
                    2. IEAASNRMC URS                             5. EAATBSM
                    3. CMNRSAEAI EORTN                        6. SNDNTCEAUAA
B. Panuto: Punan ng mga tamang titik ang patlang upang mabuo ang kahulugan           ng mga salita.
                    1. Ipabatid = I_a_l_m
          2. Kwartel = H_m_i_a_
                    3. Mainam = _a_u_i
                    4. Katakam-takam = m_s_r_p
                    5. Kumaripas = _a_i_i_

VI. Sagot sa Paunang Pagsubok         
A.       1. ALBAY                          4. SORSOGON
          2. CAMARINES SUR         5. MASBATE
          3. CAMARINES NORTE    6. CATANDUANES

B.       1.Ipaalam                                   2. Himpilan
          3. Mabuti                                    4. Masarap
          5. Mabilis
 VII. Mga Gawain sa Pagkatuto
          Basahin ang kwento ni Juan Osong at sagutan ang mga gawain sa ibaba.
KWENTONG BAYAN
Si Juan Osong
    May utos ang alkalde sa mensahero ng bayan kung saan nakatira si Juan na ipabatid sa mga mamamayan ang bagong ordinansa na nagbabawal na maglakad sa kalsada pagsapit ng alas diyes ng gabi. Dahil nasa lansangan pa si Juan Osong ng alas diyes, pinasiya niyang gumapang. Nakita siya ng pulis at tinanong, “ Bakit narito ka pa? Hindi mo ba alam na bawal maglakad sa kalye pagkatapos ng alas diyes ng gabi?”
    Tumugon si Juan, “Opo, alam ko, pero nakikita naman ninyo. Hindi po ako naglalakad. Ako po ay gumagapang.”
    Isang araw, dumaan sa kuwartel ng military si Juan. Kapag dumaraan ang isang tao sa kuwartel, inaasahang ito’y mag-aalis ng sumbrero at sumaludo sa bandila. Nang tawagin ng guardia si Juan at tanungin kung bakit hindi siya nag-alis ng sumbrero,  sinabi ni Juan, “ Ginoo, kung mag-aalis po ako ng sombrero malalantad po ang ulo ko sa init.”
    “ A, iyan ang dahilan mo? Kung gayon, huwag na huwag ka nang aapak sa lugar na ito kahit kailan.”
    E, dahil kinailangan dumaan ni Juan sa munisipyo araw-araw para pumuntang palengke, ipasiya niyang humukay ng lupa sa kanyang bukid at inilagay sa kanyang kariton. Ipinahila sa kalabaw ang kariton habang nagdaraan sa munisipyo.
    Nakita siyang muli ng sundalong nagbawal sa kanyang dumaan sa lugar na iyon noong isang araw at sinabi nito “ Hindi ba sinabi ko na sa’yo na huwag na huwag ka nang aapak sa lupang ito, kahit kalian?”
    Sumagot si Juan, “Opo, pero nakaapak naman po ako sa sarili kong lupa,” ang sabi ni Juan.
    May nakakatandang kapatid si Juan na nagngangalang Pedro. Isang araw, nang paalis sila sa kanilang bahay; sinabi ni Pedro na ikandado ni Juan ang pinto. Pero sa halip nito, ang ginawa ni Juan ay dinala ang pinto. Nang tanungin ni Pedro kung bakit dinala ni Juan ang pinto, sinabi nitong mas mainam na huwag na itong iwan para wala talagang makapasok dito.
    Nagdala rin si Juan ng palakol, dahil magsisibak silang magkapatid ng kahoy sa gubat. Nang nasa gubat na sila, nakahanap sila ng malilim na puno at ipinasiya nilang akyatin ito upang doon makapagpahinga. Habang nasa itaas ng puno, may grupo ng magnanakaw na dumaan sa ilalim at nagsimulang buksan ang kanilang sako para pahati-hatian ang kanilang ninakaw. Muntik ng mag-ingay si Juan pero pinigilan siya ni Pedro.
    Pagkatapos, nagsimulang magluto ang mga magnanakaw. Katakam-takam ang amoy ng kanilang niluluto at muli, gusto nang bumaba ni Juan mula sa puno. Ibinagsak ni Juan ang pinto at nagulat ang mga magnanakaw. Pinalakas ang boses at sinabing, “ Ako’y malaking tao, isang higante, bakit kayo nangahas na istorbohin ako?”
    “Kung sadyang ikaw nga ay higante,” hamon ng mga magnanakaw,” ihulog mo nga ang isa sa iyong mga ngipin.”
    At inihulog ni Juan ang palakol, kaya kumaripas ng takbo ang mga magnanakaw. Naiwan ng mga ito ang kanilang nilulutong pagkain. Noon na lamang bumaba sina Juan at Pedro at kinain ang pagkain ng mga magnanakaw. Iniuwi rin nila ang sako ng mga gamit na naiwan ng mga ito.

VIII. Mga Tanong na Sasagutin?
          • Paano mo mailalarawan ang tauhan? Bakit?
          • Kung ikaw si Juan paano mo babaguhin ang pananaw ng iba sa iyo?
          • Anong bisang pampanitikan ang nangingibabaw sa kwento?
                    •Bisa sa Isip
                    • Bisa sa Damdamin
                    •Bisa sa Kaasalan
                    • Bisa sa Lipunan

IX. Panghuling Pagsubok
          A. Gumawa ng buod ng kwento
          B. Gumawa ng Positibo-Negatibong Tsart sa katangian ni Juan Osong

X. Sagot sa Panghuling Pagsubok
A. Ang Buod
          Nag-utos ang alkalde na bawal ng maglakad ang mga tao ng alas diyes ng gabi. Minsan ay ginabi si Juan at gumapang siya, sinita siya ng pulis at sinabing bawal maglakad sa gabi. Sinagot niya ito ng “ Hindi ako naglalakad, Gumagapang po ako”
          Nang minsan naman dumaan si Juan sa kwartel at kapag dumaan ka doon kailangan mong hubarin ang iyong sumbrero at magbigay galang sa bandila. Ngunit hindi hinubad ni Juan ang kanyang sumbrero dahilan niya ay “ Ginoo, kung mag-aalis po ako ng sumbrero, malalantad po ang ulo ko sa init”. Kaya sinabihan siya ng guwardiya na huwag ng tatapak sa sa lugar na iyon kahit na kalian. Eh! Kailangan dumaan ni Juan doon araw-araw, kaya naghukay siya ng lupa sa kaniyang bukid at inilagay sa kariton. Nakita siya ng guwardiya kaya sinita na naman siya at tinanong kung bakit siya dumaan doon sagot naman niya na hindi siya nakaapak sa lupa kundi sa sarili niyang lupa.
          May kuya si Juan na si Pedro, inutusan siya nito na ikandado ang pinto, pero tinanggal ni Juan ang pinto at dinala iyon dahil mas mainam iyon para wala talagang makakapasok. Nagdala din sila ng palakol upang magsibak ng kahoy sa gubat at ng magpahinga sila sa itaas ng puno ay may dumaan na mga magnanakaw na naghahatian sa mga nakuha.
          Nang magsimulang magluto ang mga magnanakaw ay natatakam na si Juan at nais ng pumanaog sa puno. Ngunit naisip ni Juan na ibagsak ang pinto kaya nagulat ang mga kawatan at agad siya nagsalita sa malaking boses na “ Ako’y malaking tao, isang higante, bakit kayo nangangahas na istorbohin ako?”
          Ngunit hinamon si Juan na kung tunay siyang higante ay ihuilog ang isang ngipin niya. At hinulog ni Juan ang palakol kaya tumakbo ang mga kawatan. Pumanaog silang magkapatid at kinain ang niluluto ng mga umalis.

                        POSITIBO                                               NEGATIBO        
                      •mapamaraan                                               •pilosopo sa
                      • matalino                                                     •   maling paraan
                                                                                            • hindi marunong gumalang
                                                                                            • batugan

XI. Pagpapahalaga
          “Huwag maging pilosopo at tamad, kung maging pilosopo gawin sa tamang pagkakataon at paraan”